Nawala kay Esau ang pinakamahalagang bagay sa buhay dahil sa pagiging isang taong makalaman ...
Hindi lahat ng mga anak ay may pananaw tulad ng sa kanyang ama, nahahalintulad din ito sa mga anak ng Diyos. Hindi lahat ng mga anak ng Diyos ay nakatanggap ng pananaw na mula sa Kanya. Marami ang pwedeng maging dahilan, pero siguro ang pangunahin sa mga ito ay nauugnay sa gawain kung saan tinawag at pinili ang bawat isa.
Maraming mga estudyante ang nagtanong sa akin kung dapat ba o hindi nila ihinto ang kanilang pag-aaral upang gawin ang Gawain ng Diyos sa Altar. Ipinaalam ko sa kanila ang aking patotoo at ang aking personal na karanasan sa Diyos at hinayaan ang bawat isa sa kanila na sagutin ito para sa kanilang sarili.
Ang totoo, ang tungkulin at pagpili ng Diyos ay nangangailangan ng personal na pananampalataya. At ang sagot ng bawat isa ang tumutukoy sa laki ng gawaing nakalaan para sa kanila.
Ang kaso nina Jacob at Esau ay sumasalamin sa maraming kabataan na nasa sa simbahan ngayon. Bilang panganay na anak, si Esau ay hindi lamang may karapatan at tungkulin na palitan ang kanyang ama na si Isaac upang maging pinuno ng kanyang pamilya, ngunit, higit sa lahat, bilang susunod na mataas na pinuno, isang uri ng apostol na siyang bubuo ng isang banal na bansa, dahil siya ay itatalaga ng Diyos na pinakamataas na awtoridad sa mundo. Ang kanyang pangalan ay magiging sanggunian ng Isang Tunay na Diyos at magiging kapantay ng kanyang mga ama na sina Abraham at Isaac.
Ang tinutukoy na Diyos ni Israel ay dapat na Diyos ni Esau. Ngunit dahil sa isang plato ng lentil, pumasok siya sa kasaysayan ng pananampalatayang Kristiyano bilang isang talunan. Kahit na lumuluha pa niyang sinubukang kunin muli ang basbas na nararapat sa kanya, huli na ang lahat.
Ang dahilan ng kanyang kabiguan ay tanging dahil sa pagiging pabaya niya sa espiritwal na bahagi na nakatakda para sa kanya. Dinala siya ng kanyang pisikal na mga mata na gumawa ng maling desisyon at ito ang sumira sa buong buhay niya. Sinasabi ng banal na kasulatan:
Minsan, nagluto si Jacob ng nilaga. Dumating si Esau mula sa parang at siya'y gutom na gutom. Sinabi ni Esau kay Jacob, “Pakainin mo naman ako nitong mapulang nilaga sapagkat ako'y gutom na gutom.” Dahil dito ay tinawag ang kanyang pangalan na Edom. Sinabi ni Jacob, “Ipagbili mo muna sa akin ngayon ang iyong pagkapanganay.” Sinabi ni Esau, “Ako'y malapit nang mamatay. Ano ang mapapakinabang ko sa pagkapanganay?” Sinabi ni Jacob, “Isumpa mo muna sa akin.” At sumumpa siya sa kanya at kanyang ipinagbili ang kanyang pagkapanganay kay Jacob. At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilaga na lentehas. Siya'y kumain, uminom, tumayo, at umalis. Ganyan hinamak ni Esau ang kanyang pagkapanganay. (Genesis 25:29-34)
Si Esau ay isang uri ng mga taong ipinanganak sa laman, mga tao na, dahil hindi sila espirituwal, walang silang espiritwal na pang-unawa. Nakadepende si Esau sa kanyang pisikal na lakas at tapang upang harapin ang anumang mahirap na sitwasyon, kabilang ang mababangis na mga hayop. Sa katunayan, umaasa siya sa kanyang pisikal kaysa sa kanyang espiritwal na kakayahan, kaya naman binalewala niya ang karapatan ng pagkapanganay.
"Ako'y malapit nang mamatay. Ano ang mapapakinabang ko sa pagkapanganay?”
Ibig sabihin, pinalampas niya ang pinakamahalagang bagay sa buhay para sa pagiging isang taong makalaman at hindi niya inalam kung ano ang kayamanan na nakatago sa likod ng karapatang iyon. Ito ang malaking kawalan ng isang taong ipinanganak sa laman! Iyon ang dahilan kung bakit ipinipilit namin ang pagkakaroon ng bagong kapanganakan. Ang isang taong ipinanganak sa laman ay laman; at dahil hindi siya espiritwal, hindi niya maintindihan ang mga bagay ng Diyos. Para sa kanila, ang mahalaga ay ang pagiging madali ng mga bagay, ang nakikita ng mga pisikal na mata at hindi ang mga mata na espiritwal. Ngunit ang nakikita lamang ng mga pisikal na mata ay kung ano ang materyal at wala nang iba pa. Samantala, ang mga ipinanganak ng Espiritu, na siyang espiritwal, ay may mga mata na nakikita ang higit pa sa pisikal na mga bagay.
Hindi rin makikita ng mga walang pananaw ang pinakahuling resulta ng kanilang maling desisyon. Ito ang kaso sa mundo, kung saan inaani ng mga tao ang mga masamang bunga mula sa kanilang maling desisyon. At ang dahilan ng kanilang mga maling desisyon ay dahil sa pagbalewala nila sa mga payo ng Diyos.
Kahit na gutom na gutom na siya, hindi naman siya mamatay, napaka mayaman ng kanyang ama at hindi ito papayag na magutom ang kanyang paboritong anak. Ngunit ang pinakamalaking problema ni Esau ay ang kanyang pagbalewala sa kaloob ng Diyos, ito ay, ang pagpapala ng karapatan ng pagkapanganay!
Ang karapatang ito ay ibinigay ng Diyos Mismo, sapagkat sa kabila ng pagiging kakambal ng kapatid niyang si Jacob, siya ang unang ipinanganak. Kaya't ang karapatan ay sa kanya lamang.
Ito ang kalagayan ng maraming mga kabataang Kristiyano, na dating tinawag at pinili upang maging mangingisda ng mga kaluluwa, ngunit, natangay ng mga tagumpay sa lipunan at ng kaluwalhatian ng mundong ito, kaya humantong sa pagbalewala sa pribilehiyo ng pagiging mga lingkod ng Diyos para maging mga lingkod ng kanilang mga sarili.
Pagpalain kayong higit ng Diyos.
Comments